Tuesday, September 29, 2009

Mga bakas ng paglisan ni "Ondoy"

Ilang araw na ang nakakaraan subalit patuloy pa ring naghihirap ang mga taong nasalanta ng "Bagyong Ondoy". May mga lugar pa rin sa Metro Manila na nanatiling lubog sa baha partikular sa ilang bahagi ng Rizal. Sa mga evacuation centers maraming maririnig na mga hinaing lalo na sa kakulangan sa pagkain, tubig, mga damit at kumot. Hindi na rin maiwasan ang pagkakasakit na mga tao lalung-lalo na ang mga bata. Problema rin ang kabuhayan ng bawat pamilyang nasalanta, hindi malaman kung paano ulit magsisimula. Ang buong kabahayan ay puno ng putik kaya wala na ring maisalba sa mga kagamitan.

Nang kumustahin ko ang aking kaibigang taga-Marikina na kasama sa mga nabiktima ng baha, napag-alaman ko na umuwi na rin pala sila sa kanilang bahay at unti-unti ng naglilinis. Pagod na pagod sila ang sabi niya. Parang susuko na ang kanilang katawan sa sobrang pagod. Naikwento din niya ang mga pangyayari sa evacuation site na napuntahan nila, doon nga sa kanilang simbahan.

Naikwento niya na para silang nasa Noah's Ark, sama-sama ang mga tao at hayop, maingay, kanya-kanyang dasal at iyakan. Nangyari pa na nagkaroon ng konting sunog sa evacuation site nila kaya nagkagulo ulit ang mga tao sa kasagsagan ng baha. Buti na lang at madali itong naapula ng mga bumbero. Sa katapat na plasa sa isang bahay doon ay may sumingaw naman na lpg. Buti na lang di natuloy ang sunog, kung hindi baka kung ano na ang nangyari sa kanila.

May isang kapatid siya at ang pamilya nito na naiwan sa bahay nila. Buti na lang nakasilong pala ang mga ito sa kapitbahay na mataas ang bahay kaya nakaligtas din sila. Ang sabi niya sa akin kung sinu-sinong opisyal na daw ng Barangay ang nakausap niya para iligtas sana ang mga ito pero wala silang magawa. Kanya-kanyang rescue na lang daw yun ang sagot sa kanya.

Sa kakulangan na mga rescuer at ng mga gamit na pang-rescue di naiwasan na mainis siya sa gobyerno. "Walang silbi talaga gobyerno natin" ang sabi niya sa akin. Tatlong araw na silang panay linis sa bahay nila at namaga na rin ang kanyang mga paa dahil sa sobrang babad sa tubig at putik.

Sa lahat ng paghihirap na ito, meron namang mga mabubuting tao na patuloy na tumutulong. Isang halimbawa na ang GMA Kapuso Foundation na patuloy na humihingi ng tulong sa mga tao para ipamahagi sa mga biktima. Dito nakikita ang pagkabayanihan ng mga Pilipino. Mga boluntaryong pagbibigay at pagtulong na walang hinihinging kapalit kundi ang sana'y makabangon ang mga biktima.

Ang ilang ahensiya din ng gobyerno tulad ng GSIS, SSS at Pag-ibig ay dagliang naglaan ng kaukulang pondo para sa mga empleyado na gustong maka-avail ng calamity loan. May mga doktor din na nagpupunta sa mga evacuation sites para tingnan ang kalagayang pangkalusugan ng mga tao.

Ang ilang religious group dito sa lugar namin, mga school ay nag-organisa din ng pangangalap ng mga relief goods na maaaring ipadala sa mga nasalanta.

Nakakalungkot lang na kung merong may tumutulong, meron din namang nanamantala. Katulad na lang kagabi na nagtext ang kaibigan ko. Ang sabi niya putulin daw muna namin ang aming kwentuhan dahil may nakitang magnanakaw na tumatakbo. Sa bubong ng bahay dumaan. Palibahasa'y sira ang ibang kabahayan at madaling mapasok, kahit pa maputik ang mga kagamitan, ang mga masasamang loob na ito ay walang awang pinagnanakawan pa ang mga nabiktima na nga ng baha.

0 comments:

Blogger template 'Pinki' by Ourblogtemplates.com 2008

Jump to TOP